MANILA, Philippines - Isang 11-anyos na batang babae ang nalapnos ang balat matapos itong buhusan ng thinner at silaban ng kanyang sariling ama na lango sa droga sa loob ng Manila South Cemetery sa Makati City kahapon.
Kaagad na dinala sa Opistal ng Makati ang biktima na itinago sa pangalang Lea na nagtamo ng 2nd degree burn kung saan sinasabing ginulpe pa ang dalagita.
Samantala, nagsasagawa pa ng follow-up ang pulisya dahil nagreklamo ang kaanak ng biktima sa Manila Police District (MPD), subalit ililipat aniya ito sa Makati City PNP kaya hindi kaagad naaksyunan ng mga kinuukulang ahensya ng lokal na pamahalaan.
Ayon naman sa Makati City Police Women’s Desk, wala pang reklamong isinasampa sa kanila kaugnay sa insidente at kung sakali aniyang magtungo sa kanilang tanggapan ang kaanak ng biktima ay kaagad nila itong aaksiyunan.
Nabatid na bumisita lamang ang biktima sa kanyang ama na hindi muna pinabanggit ang pangalan sa tinitirhan nito sa Manila South Cemetery sa panulukan ng South at Kalayaan Avenue, Makati City. Habang natutulog ang biktima ay binuhusan ito ng thinner at saka sinilaban ng suspek.
Kaagad namang naapula ng pinsan ng biktima ang apoy subalit muling sinilaban ito ng suspek dahil lasing umano ito sa droga.
Ayon sa security guard na si Romeo Amar, nagpaalam sa kanya ang ina ng biktima para sunduin ang bata pero hindi na niya ito nakitang lumabas.??
Nabatid na matagal nang hiwalay ang mga magulang ng biktima. (Lordeth Bonilla)