MANILA, Philippines - Sumuko na sa pulisya ang isa sa tatlong pulis na sangkot sa panghoholdap sa isang messenger kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Bandang alas-6 ng gabi nang sumuko kay P/Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City PNP ang suspek na si PO2 John Mark Manguera, 33, ng #1228 Interior 62 Tambunting Street, Sta. Cruz, Maynila at nakatalaga sa Police Community Precinct 5.
Kasama ni PO2 Manguera ang kanyang abogado sa pagsuko kay P/Senior Supt. Reyes.
Pansamantala namang nakalaya ang dalawang pulis na sina PO1 Ronald Villanueva, 33, ng Block 16 Lot 7 Crotia St., Chera Nevada Subdivision, General Trias, Cavite; at PO1 Noli Tiu Soliman, 33, ng naturang lugar, kapwa nakatalaga sa PCP 5.
Pinayagan ni Pasay City Assistant City Prosecutor Marissa Ednaco ang dalawang pulis matapos makapagpiyansa ng P.1 milyon bawat isa sa kasong robbery at illegal possession of firearms na kinakaharap ng mga ito.
Sa tala ang pulisya, ang tatlong suspek ay kasabwat sa panghoholdap sa messenger na si Jeffrey Rabe habang magdedeposito sana ito ng P1 milyon sa bangko sa panulukan ng Macapagal Boulevard at Gil Puyat Avenue, Pasay City noong nakalipas na linggo. (Lordeth Bonilla)