Lolo lasog sa motorsiklo

MANILA, Philippines - Lasog ang isang 76-anyos na lolo makaraang mabundol ng isang rumaragasang motorsiklo habang tumatawid sa kahabaan ng IBP Road, lungsod Quezon, kamakalawa.

Ayon sa ulat ng Quezon City Police District Traffic Sector 5, nakilala ang nasawi na si Constantino Gonzales, ng Sinagtala St., Brgy. Batasan Hills sa lungsod.

Ayon kay PO2 Allan Paul Florendo,  nakilala ang driver ng motorsiklo na si Marnie Lomibao, 31, ng Sitio Kaliwa Batasan hills sa lungsod.

Nangyari ang insidente ganap na alas-6:30 ng gabi sa may kahabaan ng IBP Road corner Kasiyahan St., Brgy. Batasan hills.

Sakay ng kanyang Honda TXX-155 (7790-ZD) si Lomibao at tinatahak ang kahabaan ng IBP Road galing San Mateo Batasan Road patungong Commonwealth Avenue nang pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang umanong tumawid ang biktima at mabundol ito.

Sa lakas ng pagkakasapol ay nagtamo ng matinding injury sa katawan ang biktima at isinugod sa New Era Hospital, subalit makalipas ang ilang oras na gamutan ay binawian din ng buhay.

Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence re­sulting in homicide ang driver ng motorsiklo.

Show comments