6 kabataan nasagip bading na bugaw, tugis

MANILA, Philippines - Anim na kabataan kabilang ang apat na elementary student  ang naisalba sa isang abandonadong bahay na nagsilbing safehouse mula sa  umano’y pambubugaw ng isang bading sa Baseco, Port Area, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Sa blotter ng Women and Children Section ng Manila Police District-na-iturn over na nila sa Manila Department of Social  Welfare ang anim na kabataang mga biktima na itinago sa mga pangalang Myka, 17, out-of school youth;  Andi, 13, grade 5; Era, 14, grade 5; Mimi, 16, grade 6; Frenzy, 14, grade 5 at isang 19-anyos na itinago sa pangalang Benjie, OSY at residente rin ng Delpan.

Nabatid na nagtungo kamakalawa ng gabi sa MPD headquarters ang mga magulang at mga biktima upang ipagharap ng reklamo ang isang umano’y bading na nakilala lamang sa alyas na Panggo Aramis, na nakatira din umano sa erya ng Baseco.

Pinaghahanap pa ang suspek na siyang itinuturo na nagdadala sa mga kabataan sa abandonadonang bahay kung saan umano sila ibinubugaw sa mga parukyano.

Nabatid na dakong alas- 3:45 ng hapon nitong Martes nang nadikubre ng mga magulang ang kanilang mga anak na nasa safehouse, nang may magbigay ng impormasyon hinggil sa pambubugaw ng suspek sa mga bata na siyang pinagkaka­kitaan diumano nito.

Hindi naman nabanggit kung magkano ang kinikita ng mga bata at kung magkano rin ang kinukuhang komisyon ng bading.

Sa halip na nag-aaral ang mga menor de edad ay nagtutungo umano sa nasabing safehouse upang kumita.

Wala pa namang pormal na kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act of 2003 o Republic Act 9208 na inihaharap sa nakalalaya pang suspek.

Show comments