Pulis uli, 3 pa timbog sa mga baril at bala
MANILA, Philippines – Apat katao kabilang ang isa na namang pulis ang arestado matapos mahulihan ang mga ito ng mga baril, bala at granada, kamakalawa ng gabi sa Las Piñas City.
Nakakulong ngayon sa Las Piñas City Police detention cell ang mga suspek na sina P03 Magdaleo Pacia, 37, nakatalaga sa nabanggit na himpilan; Rogelio Villamor, alyas Jomar , 38, tricycle driver; Edmar Hernandez, 28, at Reynaldo Ramos, alyas Rey.
Sa natanggap na report ni Senior. Supt. Adolfo Samala Jr., hepe ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente alas-6:30 ng gabi sa dating Ever Gotesco Mall, kahabaan ng Zapote-Alabang Road, Brgy. Pamplona 3 ng naturang lungsod.
Nauna rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa isang grupo ng mga kalalakihan na may kahi-hinalang kilos at nakasakay sa isang kulay silver na Toyota Innova ( PQZ-179 ) at isang kulay green na Nissan Sedan ( UKK-188).
Dahil dito, agad na rumesponde ang mga kagawad ng Las Piñas City Police at positibong namataan nila ang naturang mga suspek at kaagad nila itong sinita. Labis na ipinagtataka ng mga pulis kung bakit sangkaterba ang baril, bala at pampasabog ng mga ito. Hinahanapan ng kaukulang dokumento ang mga suspek, subalit wala silang mailabas dahilan upang arestuhin ang mga ito at dinala sa Las Piñas City Police Headquarters.
Kabilang sa nasamsam sa mga suspek ang isang granada, iba’t ibang uri ng kalibre ng baril tulad ng kalibre .45 pistol, isang Intratec Assault Rifle cal. 9mm Luger, isang kalibre ng 38 revolver Armscor 202, mga bala, iba’t ibang unit ng cellphone, dalawang sasakyan, iba’t ibang uri ng mga susi, ATM at Credit Cards at cash na nagkakahalaga ng P22,040.00.
Iniimbestigahan pa ng pulisya kung ang naturang grupo kabilang si PO3 Pacia ay sangkot sa illegal na gawain at sasampahan ang mga ito ng mga kasong illegal possession of fire arms at illegal possession of hand grenade sa Las Piñas City Prosecutor’s Office.
- Latest