MANILA, Philippines – Nagulantang ang mga vendor at maging ang mga mamimili nang sabay-sabay na nilinis ng magkakasanib na puwersa ng Manila Police District, Manila Assistance and Special Assignment ang iba’t ibang lugar sa Quiapo, Maynila kamakalawa laban sa mga illegal vendor, basura at mga nakaparadang sasakyan.
Ayon kay MPD Director, Sr. Supt. Rolando Nana, masyado na umanong marumi ang lugar laban sa mga illegal na vendors at illegal parking kung kaya’t panahon upang maturuan ng disiplina ang mga nagpupuwesto dito.
Paliwanag ni Nana, kailangan na panatilihin at ipatupad ang kalinisan at tamang asal sa paligid ng simbahan lalo pa’t sentro nito ang Basilica ng Itim na Nazareno.
Nabatid na pinangunahan nina MPD Chief Directorial Staff, Sr. Supt. Gilbert Cruz, MASA chief, Chief Insp. Bernabe “Jojo” Iriñco, Jr. , MASA Chief of Staff , Capt. Jaime de Pedro at Plaza Miranda-PCP chief, Insp. Rommel Anicete ang paggalugad sa kalye ng Paterno, Raon, Carriedo, Palanca at Plaza Miranda.
Giit ni Nana, kailangan ng pulisya ng kooperasyon ng mga vendors at maging mga commuter upang maibalik sa dati ang kalinisan at kaayusan sa Quiapo.
Marami na aniyang reklamo mula sa iba’t ibang sector kung kaya’t kailangan namang kumiling ng pamahalaan.
Nabatid naman kay Iriñco na maraming illegal structure ang giniba na matagal na sa lugar at nakakapagpasikip sa daloy ng mga sasakyan.