MANILA, Philippines – Bagama’t nakaratay sa ospital, isinampa na ng Manila Police District Homicide Section laban sa isang Chinese national na bumaril at nakapatay sa kanyang lover na Chinese businesswoman, kamakalawa ng umaga sa Tondo, Maynila.
Kasalukuyang binabantayan ng mga pulis ng MPD-Police Station 2, ang suspek na si Benson Uy, 66, na inilipat sa Chinese General Hospital nang madaplisan matapos magbaril sa sarili.
Ayon kay SPO1 Mario Asilo, narekober ng pulisya ang .45 kalibre baril na ginamit ng suspek sa pagpatay sa biktimang si Jenny Lu,42,may-asawa, at may-ari ng Lucky Power Glassware sa 459 Elcano sa panulukan ng C.M. Recto Ave., Tondo at nanunuluyan sa 829 KP Tower sa Elcano St., sa Binondo, Maynila na itinago ng suspek sa isang kahon.
Paliwanag ni Asilo, hindi puwedeng maging homicide ang kaso dahil planado umano ang krimen batay na rin sa nakita sa CCTV kung saan nakita sa labas ng tindahan na naninigarilyo ang suspek at saka pumasok sa tindahan habang sinesenyasan ng biktima na umalis.
Nagsalita pa umano sa wikang Intsik ang biktima sabay bato ng tsinelas sa suspek hanggang sa makitang bumunot ng baril ang huli at pinaputukan ang una.
Lumilitaw din na hindi tinamaan sa unang putok ang biktima kung kaya’t muli itong tinarget ng suspek hanggang tamaan sa tagiliran.
Kamakalawa ng umaga nang naganap ang nasabing pagbaril sa biktima sa loob mismo ng tindahan hanggang sa magbaril din ang suspek nang bumulagta ang biktima.
Nagsasagawa pa rin ng imbestigasyon ang pulisya bagama’t sa inisyal na pagsisiyasat, sinasabing pinag-awayan ng biktima at suspek ang planong pag-uwi sa China ng biktima.