MANILA, Philippines – Nagpakamatay sa pamamagitan nang pagtungga ng silver cleaner ang isang babae sa loob ng comfort room ng isang mall sa Pasay City, kahapon ng umaga.
Dead on arrival sa Pasay City General Hospital ang biktima na kinilala sa pamamagitan nang nakuha ritong master card ng isang banko na si Annabell G. Frias.
Sa report na natanggap ni Senior Supt. Melchor Reyes, hepe ng Pasay City Police, alas-10:30 ng umaga nang matagpuang nakahandusay ang biktima sa loob ng comfort room sa ikalawang palapag ng parking area ng isang mall sa Libertad St. ng nasabing lungsod.
Base sa salaysay sa mga pulis ni Edward Sindac, 30, janitor at stay-in sa nasabing mall, kasalukuyan siyang naglilinis ng comfort room ng mga lalake nang tawagin siya ng kanyang kasamahang si Sinforoza Sabalboro, 53, nakadestino naman sa comfort room ng mga babae.
Dito nila nakita ang nakalawit na kamay ng biktima pero naka-lock ang pinto nito kayat ang ginawa niya ay umakyat sa itaas upang mabuksan ang pintuan at doon nga tumambad sa kanilang harapan ang isang babaeng nakahandusay at wala nang buhay.
Humingi sila ng tulong sa guwardya at iba pang kasamahan nila upang dalhin sa naturang ospital ang biktima, subalit hindi na ito nakarating ng buhay.
Sa isinagawang pagsusuri ng mga tauhan ng SOCO ng Southern Police District sa pinangyarihan ng insidente, nabatid na dalawang plastic ng silver cleaning solution ang natagpuan sa loob ng comfort room na hinihinalang ginamit sa pagpapakamatay ng biktima.
Samantala patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad, habang ang labi ng biktima ay pansamantalang inilagak sa Rizal Funeral Homes upang i-autopsy.