2 babaeng turista, biktima ng kawatan sa Luneta

MANILA, Philippines - Isang Canadian at isang Czech national na kapwa babae ang panibagong biktima ng mga kawatan  habang namamas­yal  sa Luneta,  Ermita, Maynila, ayon sa ulat kahapon.

Na-trauma sa sinapit ang Canadian na si Catherine Hollie, 39, gymnastic coach, at  nanunuluyan sa Washington St.,  Makati City nang mahimasmasan dahil sa pambibiktima ng 5 katao na hinihinalang miyembro ng ‘Ativan gang’,  dakong alas-6:00 ng hapon noong Miyerkules sa loob ng Rizal Park.

Sa ulat ng Manila Police District-General Assignment and Investigation Section (MPD-GAIS), sinabi ng biktima na namamasyal siya nang lapitan ng mga suspek. Tatlo ang babae at 2 naman umano ang lalaki,

Nakipagkaibigan ang tatlong babae hanggang sa yayain umano itong mamasyal sa Chinatown sa Binondo, Maynila at nang magpabili siya ng softdrinks ay sumakay na umano sila sa taxi. Agad umano siyang nahilo at naalala niya na habang siya ay inaantok ay inilipat siya sa ibang taxi, hanggang sa magising na lamang na naroon na siya sa kaniyang tinutuluyang bahay pero wala na ang kaniyang wallet na may lamang P13,500. Hindi naman umano tinangay ang kaniyang cellphone.

Sa reklamo naman sa GAIS ng Czech national na si Jana Padalikova, 33, at nanunuluyan sa   Birch Tower JMM Grand Suites, Ermita, Maynila, dakong alas 6:35 ng hapon nitong nakaraang Huwebes ay sinalubong siya ng isang lalaki at mabilis na inagaw ang hawak niyang Olympus S-231-MR camera at itinakbo habang siya ay nasa bahagi ng Padre Burgos St. sa Ermita.  Papauwi na umano siya noon mula sa pamamasyal sa  Rizal Park.

Show comments