MANILA, Philippines - Nagbabala ang mga opisyales ng Quezon City sa mga tindahan at kahalintulad na negosyo sa posibleng pagkalat ng pekeng pera na madalas nangyayari kapag sumasapit ang holiday seasons.
Sa pangambang bumaha sa merkado ang pekeng pera, hiniling ni Tadeo Palma, secretary to the mayor sa lokal na pulisya na tugisin ang grupo ng mga kriminal na gumagawa ng ganitong aktibidad.
Hiniling din nina Councilors Allan Benedict Reyes, Jesus Manuel Suntay at Victor Ferrer Jr. pawang mga negosyante sa siyudad sa mga may-ari ng establisimento na gumamit ng “bill verifiers’’ upang maiwasang mabiktima ng counterfeit syndicate groups.
Sabi ni Reyes, nakatanggap siya ng reklamo mula sa mga retailers at negosyante sa lungsod kaugnay sa pagkalat ng pekeng pera, sanhi upang agad na kontakin niya ang awtoridad para pagtuunang pansin ang nasabing problema.