MANILA, Philippines - Masusing inaalam ngayon ng Caloocan City Police kung sadyang nagpatiwakal ang isang pulis-Crame makaraang magtamo ng tama ng bala sa ulo buhat sa sariling baril, kamakalawa ng madaling araw sa naturang lungsod.
Nakilala ang nasawi na si PO3 Harold Alfonso, 34, nakatalaga sa Police Security Protection Group (PSPG) sa PNP Headquarters sa Kampo Crame, at residente ng Baltazar Bukid, Brgy. 70, ng naturang lungsod.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng madaling-araw nang maiulat ni Brgy. Chairman Celso de Leon ang pagkakatagpo sa wala nang buhay na si Alfonso sa loob ng bahay nito.
Nabatid na unang nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at ng misis nito kamakalawa ng gabi. Nagpakalasing umano sa alak ang pulis sa buong magdamag hanggang sa umalingawngaw ang isang putok ng baril.
Nagtamo ng tama ng bala ng kanyang Glock cal. 9mm pistol sa kanang sentido ang biktima sanhi ng kanyang pagkasawi. Natagpuan rin ang naturang armas sa tabi ng bangkay ng biktima. Bukod sa anggulong pagpapatiwakal, kinukonsidera rin ng pulisya na posibleng pinaglaruan lamang ng pulis ang baril at aksidenteng nakalabit ito. Nasa trigger umano ng baril ang safety lock nito kaya maaaring nagkaroon ng “accidental firing”.