Nanaksak ng hinostage, patay sa parak
MANILA, Philippines - Nabaril at napatay ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) ang isang lalaki makaraang tagain at saksakin nito ang hinostage na kahera ng karinderya sa Pedro Gil, sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead-on-the-spot ang nasawing suspek na inilarawan sa edad na 35-40, may taas na 5 talampakan, may tattoo na larawan ng pakpak at “Michael” sa kanang braso, nakasuot ng kulay itim na t-shirt na may logo ng Delta Sigma Fraternity.
Nilalapatan naman ng lunas sa Philippine General Hospital ang biktimang si Joana Lacsamana, 21, cashier ng RJ Luncheonette at residente ng Peñafrancia St., Paco, sanhi ng tinamong mga sugat sa ulo at braso.
Sa ulat ni SPO1 Charles John Duran ng MPD-Homicide Section, dakong alas-10:30 ng gabi nang maganap ang pangho-hostage sa loob ng RJ Luncheonette na matatagpuan sa P. Gil St., panulukan ng Taft Ave
Sa salaysay ng cook na si Randy Canlas, nagulat siya nang walang sabi-sabing pumasok sa kanilang kusina ang suspek kaya sinundan niya ito upang sitahin subalit mabilis na dumampot ng kutsilyo at nang lalapitan na siya ay nagawa niya itong tadyakan saka siya tumakbo palabas ng karinderya.
Dahil dito ang kahera naman nila na si Joana ang hinarap ng suspek at hinostage. Sinubukan ng mga rumespondeng pulis na kausapin ang suspect subalit tinaga at sinaksak pa rin nito ang hostage.
Sa puntong iyon ay nagpasiya na ang pulisyang gawin ang hakbang upang mapigilan ang suspek subalit napuruhan ito nang pagbabarilin.
Ang bangkay ng suspek ay kasalukuyang nakalagak sa St. Rich Funeral habang inaalam pa kung ano ang dahilan sa pagwawala at pangho-hostage nito.
- Latest