MANILA, Philippines - Patay ang isang rider makaraang banggain ang sinasakyan niyang motorsiklo sa isa pang motorsiklo sa Pasig City, kahapon ng umaga.
Nakilala ang nasawi na si June Ivan Gasataya, 35, ng Cembo, Makati City.
Nabatid na sakay ng kanyang motorsiklo (UQ-7302) ang biktima nang banggain ng isa ring motorsiklo (TI-8006) na minamaneho naman ni Tobias Billy, 32, ng Dalig, Antipolo City.
Sa ulat ni SPO2 Carlito Guillarte ng Pasig City Police, dakong alas-8:55 ng umaga nang mangyari ang insidente sa C. Raymundo Avenue, Brgy. Caniogan, Pasig City.
Sinasabing tinatahak ng biktima ang south direction habang si Billy ay north direction nang maganap ang aksidente.
Ilang nakakita sa insidente ang nagsabing pa-ekis-ekis ang takbo ng motorsiklo ni Billy at napunta sa kabilang linya kaya nasapol nito ang sinasakyang motorsiklo ng biktima.
Tumilapon ang biktima habang si Billy ay natumba kasama ang kanyang motorsiklo.
Matapos ang insidente ay sumuko sa mga awtoridad si Billy na ngayon ay nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to homicide.