Dalagita ginahasa ng 2

MANILA, Philippines – Halinhinang ginahasa ng dalawang lalaking kapitbahay ang isang dalagita nang mayaya ito sa loob ng bahay ng isa sa mga suspek, kahapon ng madaling araw sa Malabon City.

Nahaharap ngayon sa kasong “rape in relation to child abuse” ang mga suspek na sina Aldwin Cruz, 26, obrero, at Emilio Pateña, 53, pedicab driver, at kapwa residente ng Yanga St., Bgy. Maysilo, ng naturang lungsod.

Isinasailalim naman sa “counseling” ng lokal na Social Welfare and Development office ang 13-anyos na biktima na itinago sa pangalang “Jane”.

Sa inisyal na ulat, unang napapayag ang biktima ng suspek na si Pateña na magtungo sa kanyang bahay para mag-usap.  Inabutan rin ng biktima ang suspek na si Cruz sa loob ng naturang bahay.

Matapos ang ilang minutong kuwentuhan, inumpisahan na umano siyang puwersahing halikan at hubaran ng dalawang suspek.  Walang nagawa ang biktima nang matagumpay na gahasain siya ng dalawa sa kabila ng umano’y kaniyang pagtanggi.

Binigyan pa umano ang biktima ng hindi pa mabatid na halaga ng pera upang hindi magsumbong ngunit agad na ipinaalam nito sa mga magulang ang pang-aabuso sa kanya nang makauwi.

Mabilis namang naa­resto ng pulisya ang mga suspek sa ikinasang ope­rasyon.

Show comments