Ina, 3 anak tupok sa sunog
MANILA, Philippines – Natupok sa sunog ang isang ginang at tatlo pa nitong anak matapos na sumiklab ang apoy sa isang abandonadong gusali na tumagal ng dalawang araw sa Binondo, Maynila.
Kinilala ang mga nasawi na sina Mary Grace Sudiam, 40 at mga anak na sina Peter Geraro, 5; Gerald Mark, 3 at Gearaldine, 1.
Nilalapatan naman ng lunas ang mga biktimang sina Violeta Acleta, 65, na nahirapang huminga dahil sa usok at nerbiyos; Mary Rose Reyes, 34, na nagtamo ng second degree burn; Carlito Guevarra, 41, na nahiwa sa kaliwang binti at Solito Blanca, 32, na may second degree burn sa palad.
Batay sa report kay desk officer FO3 Oliver Sison, ng Manila Fire Bureau-Binondo, nagsimula ang apoy sa ikatlong palapag ng abandonadong gusali sa panulukan ng Muelle dela Industria at Valderama sts., Binondo, dakong alas-10:56 ng gabi ng Nobyembre 1 hanggang sa kahapon lamang ng ala-1:26 idineklarang fireout ng mga bumbero.
Tinatayang nasa P500,000 halaga ng ari-arian ang naabo.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ni SFO3 Edilberto Cruz, ng MFB Arson Division, para matukoy kung ano ang tunay na sanhi ng sunog.
Nabatid na pumapasada umano ng pedicab ang amang si Gerardo, Sr., nang malaman na nasusunog ang kanilang lugar kaya siya napauwi ng bahay subalit hindi na naisalba ang pamilya na nakita na lamang na magkayap ang mga bangkay ng dalawa sa 3 anak.
Samantala, personal na nagtungo kahapon sa lugar si Manila Vice Mayor Isko Moreno upang damayan at bigyan ng ayuda ang mga nasunugan partikular sa naulilang si Gerardo, Sr.
Ayon kay Moreno, trauma kay Gerardo, Sr. ang nangyaring pagkaubos ng kanyang pamilya sa sunog kaya’t titiyakin nilang malalabanan ang sitwasyon.
Bukod sa construction materials, bibigyan din ang mga nasunugan ng financial assistance.
- Latest