MANILA, Philippines - Binalot ng takot ang mga pasahero matapos magliyab ang kanilang sinakyang bus kahapon ng umaga sa kahabaan ng EDSA Pasay City.
Ligtas naman ang lahat ng mga pasahero, bagama’t ang driver ng bus na si Ronald Domingo ay bahagyang nasugatan.
Ayon sa inisyal na report ng Pasay Traffic Department, naganap ang insidente alas-6:00 ng umaga sa kahabaan ng EDSA sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa driver na si Domingo, minamaneho niya ang Valisno Express na may plakang TXU-210 patungong Tungko, San Jose Del Monte, Bulacan at habang binabagtas nila ang EDSA ay nakaramdan siya ng init sa loob ng bus kasunod nang bigla na lamang pumutok. Agad umano niyang pinababa ang mga pasahero hanggang sa mabilis nang nagliyab ang bus.
Tinangka niya umanong apulain ang apoy dahilan upang masugatan ang kanan niyang kamay.
Inabot rin ng kalahating oras bago naapula ang apoy ngunit hindi na mapapakinabangan ang bus dahil sunog na sunog ang halos buong bahagi nito.
Iniimbestigahan pa ng pulisya ang pinagmulan nang pagliyab ng bus.
Nagdulot rin ng bahagyang pagsikip ng daloy trapiko sa lugar ang insidente. (Lordeth Bonilla)