MANILA, Philippines - Arestado ang dalawang pangunahing suspek sa pagpatay sa mag-ama sa inilatag na magkahiwalay na operasyon ng pulisya kamakalawa sa Muntinlupa City.
Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Felix “Pidiong” Obalan ng Barangay Alabang; at Julius “Totoy Nike” Tulao ng Purok 4 Extension sa nabanggit na barangay.
Sa police report na isinumite kay P/Senior Supt. Allan Nobleza, hepe ng Muntinlupa City PNP, unang nadakip si Obalan sa likuran ng mall, PNR Station sa Brgy. Alabang ng nabanggit na lungsod.
Si Obalan na miyembro ng Michael Mangando Group ay sinasabing bumaril at nakapatay sa mag-amang sina Edmundo at Anniecka Eunice Tan noong Huwebes ng hapon (Okt. 2, 2014) sa #96 Wawa Street, Purok 5 ng nabanggit na barangay.
Samantala, sa bisa naman ng warrant of arrest na inisyu ng Muntinlupa City Regional Trial Court, nadakip ang number 9 most wanted criminal sa Muntinlupa City na si Tulao sa bahagi ng Purok 4 Ext. sa Brgy. Alabang.
Si Tulao ay isinangkot sa serye ng robbery-hold-up sa nasabing lungsod noong Setyembre 16, 2011.
Ayon kay P/Chief Supt. Henry Ranola Jr., hepe ng SPD, ang sunud-sunod na pagkakadakip sa mga wanted criminal ay bunga ng pinaigting na kampaya laban sa krimen.