MANILA, Philippines - Umalma kahapon ang mga konsehal ng Caloocan City hinggil sa sobrang taas na piyansang inirekomenda ng korte na nagkakalahaga ng P100,000.00 hinggil sa indirect contempt na ikinaso sa kanila na may kaugnayan ng hindi pagtugon na bayaran ang P140 million bilang kakulangan sa nabiling lupa ng naturang lungsod.
Sinabi ni Majority Floor Leader Councilor Karina Teh, na masyadong malaking halaga ang ipinataw na piyansa ni Judge Dionisio Sison, ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) dahil kasong civil lang aniya ang pinagmulan ng kaso.
Sinabi ng naturang konsehal, kung tutuusin ay may apela pa ang lungsod sa Court of Appeal hinggil sa naging desisyon ni Sison at ibig sabihin ay hindi pa aniya tapos o hindi pa pinal ang desisyon nito.
Ayon naman kay 1st Dist. Councilor Onet Henzon, tila panggigipit ang ginawa sa kanila , gayung ang piyansa para sa armed robbery is P24,000; sedition - P16,000; adultery - P6,000; assault with physical injuries - P6,000; qualified theft - P24,000; conspiracy to commit rebellion – P60,000; and forcible abduction – P40,000.
“Halos doble ang ipinataw ni Sison at hindi namin alam kung saan ibinase ni Judge ang itinakdang piyansa para sa amin”, ayon sa naturang konsehala.
“Hindi ba na kaya nagtatakda ng piyansa ang husgado ay upang hindi magtago at hindi talikuran ang naisampang kaso, mga halal kami ng taumbayan at hindi kami magtatago, handa naman namin pirmahan ang resolusyon upang mabayaran ang Recom Realty Corp., pera sa tamang presyo”, dagdag pa ni Henson.