Lider ng robbery group, timbog

MANILA, Philippines - Naaresto ng mga tauhan ng Navotas City Police ang itinuturong lider ng notoryus na  robbery group  na sangkot sa panghoholdap sa mga pampasaherong jeep at taxi sa ikinasang operasyon, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang suspek na si Julius Ryan Revillo, alyas “Ryan Ulo”, 27, ng Road 10, Brgy. North Boulevard South, ng naturang lungsod.   Nabatid na si Revillo umano ang lider ng “Ryan Ulo robbery gang.”

Sa ulat ng pulisya, nakorner ng mga tauhan ng warrant section ang suspek sa kanyang bahay dakong alas-5 ng hapon.  Hindi na ito nakapalag nang ihain sa kanya ang warrant of arrest sa kasong frustrated murder na inilabas ni Malabon City Regional Trial Court Branch 170 Judge Zaldy Docena.

Nag-ugat ang kaso sa ginawang pamamaril ng suspek kay PO2 Francisco Camayo ng Navotas Police Community Precinct 5 noong Pebrero 16, 2014.  May naka-pending rin umano itong arrest warrant sa kasong robbery hold-up.

Nang arestuhin, nakuha rin umano sa posesyon ng suspek ang pitong pakete na nagla­laman ng hinihinalang shabu, isang kalibre .38 baril na may anim na bala, at isang magazine na may 13 bala ng kalibre .45 baril.

Show comments