MANILA, Philippines - Patay ang isang matansero matapos itong barilin ng kanyang bilas at isa pang kasama nitong lalaki dahil sa alitan kung sino ang magmamay-ari ng bahay na kanilang tinirhan, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Dead-on-the-spot ang biktimang si Bayani Baron Pensan, 34, ng Saint Joseph St., Zone 20, Brgy. 201, Kalayaan, Merville ng naturang lungsod sanhi ng tinamong dalawang tama ng bala sa kanang sentido buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.
Pinaghahanap pa ng pulisya ang suspek na si Victor Andie Sallao, 41, habang inaalam na rin ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lalaking kasabwat nito sa pamamaril.
Ayon sa report, naganap ang insidente alas-9:00 ng gabi sa loob ng bahay na pinag-aawayan sa Brgy. 201, Kalayaan, Merville ng naturang lungsod. Nabatid, na si Sallao ay asawa ng hipag ni Pensan kung saan magbilas ang biktima at suspek.
Dumating ang suspek kasama ang hindi nakikilalang kasabwat kung saan nadatnan ang 8-anyos na anak ng nasawi. Pinalabas umano ng suspect sa bahay ang bata at kasunod na nito ang mga putok ng baril kung saan nakita nang nakabulagta ang biktima. Nalaman ng pulisya, na ang biktima at suspek ay may alitan dahil pinag-aagawan nila kung kanino mapupunta o sino ang magmamay-ari ng bahay na kanilang tinitirhan. Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang naturang insidente.