MANILA, Philippines - Isang 21-anyos na ginang ang nagsilang ng triplets na pawang mga babae sa Dr. Jose Fabella Memorial Hospital sa Sta. Cruz, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nabatid na dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang isilang ni Maria Teresa Madeja, residente ng Brgy. Wawa 3, Rosario, Cavite ang kanyang mga panganay sa caesarian operation.
Binigyan na ng mga pangalan ang mga sanggol bilang sina Josefina Matilde, Josefina Bonita at Josefina Santina. Isinunod umano ang mga pangalan sa pangalan ng Santo na si San Jose.
Nadala sa nasabing ospital ang ginang nang magpasaklolo umano ang mister nitong si Jason sa alkalde ng Rosario, Cavite na si Mayor Nonong Ricafrente. Dahil natulungan ay nagbigay na rin umano ng suhestiyon sa kanila na isunod sa pangalan ni San Jose ang pangalan ng mga baby.
Hindi umano akalain ng ginang na tatlo kaagad ang magiging anak sa unang pagbubuntis dahil hindi naman umano siya nakaramdam ng kakaiba sa kanyang tiyan hanggang sa malapit nang magsilang at hindi rin umano akalain na mase-caesarian siya.
Una nang napaulat na quadruplets ang isinilang ni Madeja base sa interview sa mister nitong si Jason, pero nilinaw nito na-excite siya at inakalang apat ang magiging anak na sa huli ay nakumpirma mismo sa neonatal nurse na tatlo lamang na baby girl.
Malulusog ang mga sanggol at ligtas naman sa panganib ang ina.