Transport strike sablay!

MANILA, Philippines - Mistulang sumablay ang ginawang kilos protesta ng grupo ng Pinagkaisahang Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa lungsod Quezon at CAMANAVA area, at ilang lugar pa sa Metro Manila kahapon.

Sa ginawang protesta ng grupo, partikular sa harap ng National Housing Authority (NHA) sa Elliptical Road sa Quezon City, makikitang kakaunti lamang sa mga miyembro nito ang sumali.

Hindi rin naging epektibo ang pag-iingay ng grupo dahil makikita na tila balewala lamang ito sa mga motorista.

Matapos na magprotesta sa harap ng NHA, lumusob naman ang grupo sa harapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at kinalampag ang tanggapan nito kaugnay sa isyu ng mataas na multa sa mga nahuhuling lumalabag sa batas.

Pagdating ng ala-1:30 ng hapon, halos wala nang maki­kitang nagpoprotesta sa lansangan kaya naman nagtuluy-tuloy na ang biyahe ng maraming mga pampasaherong sasakyan. Sa CAMANAVA area, itinuturing na nabigo rin ang ginanap na transport strike dahil sa hindi pagsama ng maraming tsuper ng jeep.

Sinabi ni Caloocan Department of Public Safety and Traffic Management (DPSTM) head, Hilario Castro na hindi naman nagdulot ng kakapusan sa pampasaherong jeep ang kilos-protesta dahil sa marami namang pumasada habang wala namang naganap na panghaharang sa panig ng mga demonstrador.

Mahinahon naman umanong nakipag-usap sa kanila ang mga lider ng PISTON sa pangunguna ni George San Mateo na nagsagawa ng programa sa may Monumento, Caloocan at napakiusapan naman na gumilid sa kalsada upang hindi maabala ang mga motorista.

Sa Muntinlupa bahagyang naramdaman ang pagsama ng mga driver sa isinagawang tranport, gayunman agad na nagpakalat ng mga truck ang pamahalaang lungsod para sa mga pasahero.

Sa area naman ng  Baclaran, Parañaque City ay nagsagawa rin ng protesta ang grupo ng mga operator at  tsuper  at alas-8:00 ng umaga, normal pa naman ang daloy ng trapiko sa Pasay City  at walang istranded na pasahero dito.

Ang protesta ay pagpapakita ng grupo sa pagtutol sa Joint Administrative Order (JAO) ng Department of Transportation and Communications (DOTC), Land Transportation Fran­chising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Trans­portation Office (LTO) na nagpapataw ng mas malaking multa sa mga kolorum na sasakyan.

 

Show comments