UP Diliman binulabog ng bomb threat
MANILA, Philippines – Pansamantalang naantala ang klase at trabaho sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City kaninang umaga matapos makatanggap ng bomb threat ang isang estudyante.
Ayon sa ulat sa Quezon City Police District bandang 7:50 ng umaga natanggap ni UP Diliman Student Council chairman Jett Padernal ang text message na may sasabog na bomba sa isang gusali ng pamantasan.
"Mag-ingat sa bomb sa gusaling 'Virata.' Oras na lang ang binibilang. Walang ligtas estudyante man o guro," nakasaad sa mensahe.
Kaagad ipinaalam ni Padernal ang impormasyon sa kinauukulan ng Cesar E.A. Virata School of Business (VSB), na sila namang tumawag sa pulisya.
Makalipas ang halos isang oras ay dumating ang mga tauhan ng QCPD explosive and ordnance division at hinalughog ang lugar.
Umabot ng 30 minuto ang operasyon ng mga awtoridad bago idineklarang ligtas ang lugar.
Nitong Biyernes ay isang bomb threat din ang nanggulo sa World Citi Colleges sa Aurora Boulevard sa Quezon City at sa huli ay wala rin natagpuang bomba.
- Latest