MANILA, Philippines - Nagtataka ang isang pulis sa pagkawala ng kanyang motorsiklo na nasa loob ng compound ng Manila Police District sa Headquarters sa United Nations Avenue sa Ermita, Maynila kahapon ng madaling araw.
Sa pagrereport ni PO2 Panric Mempin nakatalaga sa MPD-District Public Safety Battalion at residente ng 1422 Juan Luna St. Tondo sa MPD Anti- Carnapping Investigation Section, posibleng naganap ang pagkarnap sa kanyang motor na may plakang 8635 NN sa pagitan ng ala 1 hanggang alas 4 ng madaling araw.
Ayon kay Mempin, iniwan niya ang motorsiklo sa loob mismo ng MPD compound kung saan nakalimutan niyang kunin ang susi.
Matagal na rin ang lumipas nang maalala niya ang susi sa kanyang motorsiklo at laking gulat niya nang wala na ito sa loob ng compound sa kabila ng pagkakaroon ng bantay.
Lumilitaw lamang aniya na wala nang seguridad kahit pa sa loob ng pulis headquarters.