MANILA, Philippines - Sinisimulan na ng Manila Police District (MPD) ang paglilinis sa mga ‘solvent boys’ na naglipana sa iba’t ibang lugar sa Lungsod.
Ang aksiyon ni MPD Director, Sr. Supt. Rolando Nana ay alinsunod na rin sa kautusan ni Manila Mayor Joseph Estrada na hakutin ang mga ‘solvent boys’ na kadalasan ding ginagamit ng mga sindikato sa kanilang mga iligal na operasyon.
Una nang sinabi ni Estrada na hindi lamang sa isyu ng trapiko at vendors lilinisin ang Maynila kundi maging sa isyu ng mga solvent boys na inirereklamo ng mga biktima ng snatching at pandurukot sa kahabaan ng Taft Ave., Rizal Ave. at Roxas Blvd.
Ayon kay Nana, inatasan na niya ang kanyang mga tauhan na dagdagan ang police visibility sa mga nabanggit na lugar na nambibiktima ng mga inosenteng sibilyan lalo na ang mga dayuhan.
Nabatid naman kay Chief Insp. Bernabe Irinco, Jr., hepe ng Manila Action and Special Assignment (MASA), patuloy naman ang kanilang ginagawang pagsagip sa mga solvent boys sa paligid ng city hall at Taft Ave. na karamihan ay miyembro ng ‘Pitas Tenga’ kung saan dinadala ang mga menor de edad sa Reception and Action Center (RAC).
Tiniyak naman ni Irinco na hindi nila ititigil ang kanilang operasyon laban sa mga ‘solvent boys’ lalo pa’t nalalapit ang kapaskuhan.
Aniya, sasamantalahin ng mga ito ang pagdagsa ng mga mamimili at commuters upang mambiktima.
Samantala, naging matagumpay naman ang isinagawang 2nd National Legislative Summit for the Welfare and Protection of Children sa pangunguna ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na pangulo ng Vice Mayors League of the Philippines.
Ayon kay Moreno, layunin ng summit na mas mapabuti pa ang mga proyekto at programa ng national at local government para sa mga kabataan at maiiwas sa anumang mga bisyo at kapahamakan.
Nais din ng summit na maipakita sa mga kabataan ang kanilang mga oportunidad at kinabukasan.