Motorsiklo salpok sa van: 1 patay, 2 sugatan
MANILA, Philippines - Patay ang isang waiter habang dalawa sa kasamahan nito sa motorsiklo ang sugatan makaraang makabundulan ang isang van habang tinatahak ang kahabaan ng Edsa sa lungsod Quezon kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay SPO3 Ronquillo Maano ng Quezon City Police Traffic Sector 6, nakilala ang nasawi na si Andrew Christopher Moreno 23, binata ng Brgy. Sangandaan, Projec 8, sa lungsod.
Sugatan naman ang kanyang mga kasamahan na sina Mark Jason Diaz, 30; at Jason Sadiasa, 24, na agad na nilapatan ng lunas sa ospital.
Nasa kustodiya naman ng PS6 ang driver ng Isuzu Elf van na si Amado Bangolan Jr., 50 ng Binangonan Rizal at isinasailalim sa imbestigasyon.
Sa ulat, nangyari ang insidente sa northound lane ng Edsa, Brgy. Pagasa, ganap na alas-4:30 ng madaling-araw.
Base sa pahayag ni Sadiasa, sakay sila ni Moreno ng isang motorsiklo na minamaneho ni Diaz at binabaybay ang nasabing lugar nang pagsapit sa pakurbang bahagi ng Edsa, partikular sa naturang lugar ay nawalan umano sila ng kontrol hanggang madikit sila sa kasabay na Isuzu Elf van.
Dahil dito, bigla na lamang umanong tumalsik ang kanilang motorsiklo hanggang sa magsitalsikan sila mula dito. Agad namang dumating ang rescue team at itinakbo ang mga biktima sa Quezon City General Hospital, subalit binawian din ng buhay si Moreno. Habang nilapatan naman ng lunas ang dalawa.
Patuloy ang imbestigasyon ng otoridad sa nasabing insidente.
- Latest