MANILA, Philippines - Sa ospital humantong ang apat na magkakaibigan nang paulanan ng bala ng riding in tandem na bigla na lamang sumulpot sa kasagsagan ng inuman sa pagdiriwang ng kaarawan ng isa sa biktima sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Pawang ginagamot sa Mary Johnston Hospital ang mga biktimang sina Catherine Jenorga, 20; Kurt Occidental, 20; Rodelio David, 20; at Alfonso Ortinez, 20.
Nakasuot umano ng bull cap at nakasuot ng jacket na itim ang mga suspek na sakay ng hindi naplakahang motorsiklo.
Sa ulat ni SPO3 Eric Delos Arcos ng Manila Police District-station 1, dakong ala-1:00 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa panulukan ng Herbosa at Teresita Sts. Tondo kung saan idinaos ang inuman sa birthday ni Ortinez.
Nagulat na lamang ang magkakabarkada nang biglang lumutang ang dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo at pagdaan sa kanilang harapan ay pinaputukan sila ng sunud-sunod ng back rider bago humarurot papatakas.