MANILA, Philippines - Ibinunyag ng ina ng pinaslang na international racing champion na si Ferdinand ‘Enzo’ Pastor na tinangka umano siyang pigilan ng kanyang manugang na si Dahlia Pastor na ireport sa mga pulis ang naganap na pamamaril sa kanyang anak.
Ayon kay Remy Pastor, ang aksiyon ni Dahlia ang naging kumpirmasyon na may kinalaman ang huli sa pagpatay sa kanyang anak.
“Sa mismong araw na namatay ang anak ko, sabi niya (ni Dalia), ‘No mom, don’t go, don’t go to the police. It’s just a random shooting, please.’ So halata mo na,” ani Remy.
Matatandaang napaslang si Enzo noong Hunyo 12 sa Quezon City habang patungo sa Clark, Pampanga para sa isang competition.
Ayon kay Remy binigyan na ng sapat na panahon ng Department of Justice si Dahlia para sagutin ang kasong parricide subalit hindi pa rin ito sumipot sa preliminary hearing.
Tanging ang ama pa lamang ni Dahlia ang lumutang sa DOJ upang igiit na walang kasalanan ang kanyang anak.
Paliwanag pa ni Remy na ang hindi pagpapakita ni Dahlia ay indikasyon lamang na may kinalaman ito at guilty sa nangyari kay Enzo.
Naniniwala din si Tomas Pastor ama ni Enzo na malakas ang kanilang kaso laban kay Domingo ‘Sandy’ de Guzman na sinasabing mastermind sa kabila ng kanilang pagsusumite ng counter affidavit.
Giit ni Tomas, nabigo si De Guzman na sagutin ang ilang mga tanong tulad ng pagkakakilala sa umano’y gunman na si PO2 Edgar Angel at ang pagkakaroon umano nito ng illicit affair kay Dahlia.
Samantala, hiniling naman ni De Guzman sa DOJ na ibasura ang kaso laban sa kanya matapos umanong magsumite ng kanyang extra-judicial si Angel, kung saan binawi nito ang kanyang naunang pahayag na nagsasangkot sa negosyante.