MANILA, Philippines - Ikinasa ng militant transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang isang malawakang kilos protesta sa darating na Lunes (Oktubre 27).
Ayon kay Piston President George San Mateo, layunin ng protesta na maipakita ng mga tsuper at jeepney operators ang sentimiento at hinanakit sa pamahalaan hinggil sa hindi katanggap-tanggap na hakbang ng DOTC- LTO at LTFRB na mga batas na nagiging ‘gatasan’ lamang umano ng mga traffic enforcers ng pamahalaan.
Hihilingin din nila ang pagsuspinde at pagpapawalangbisa sa sobrang mahal, hindi makatwiran at money making traffic signs at penalties na nasa ilalim ng Joint Administrative Order (JAO) #2014-01 na inaprubahan ng naturang mga ahensiya.
Binigyang diin nito na hindi nila maituturing na makatarungan ang parusang ito sa mga driver at magiging gatasan lamang ang mga tsuper ng mga tiwaling traffic enforcers.