Napagkamalang police asset, nilikida
MANILA, Philippines - Matapos mapagkamalang asset ng pulis, isang pedicab driver ang nasawi nang pagbabarilin ito ng dalawang lalaking lulan ng motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa Navotas City.
Dead-on-arrival sa pinagdalhang clinic sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang parte ng katawan ang biktimang si Jomar Gabiano, 30, ng Brgy. San Roque ng nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon nina PO2’s Philip Edgar Valera at Allan Bangayan, ng Navotas City Police, naganap ang insidente alas-11:30 ng gabi, habang minamaneho ng biktima ang kanyang pedicab sa kahabaan ng Governor Pascual at pagsapit sa kanto ng Judge A. Roldan St., Brgy. San Roque ng nasabing lungsod nang bigla na lamang dumating ang mga suspek at isa sa mga ito ang walang sabi-sabing bumaril kay Gabiano.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek sakay sa motorsiklong minamaneho ng kasama nito na hindi nakuha ang plaka at dinala naman ang biktima ng kanyang kaanak sa nasabing pagamutan subalit, hindi na rin ito umabot ng buhay.
Ayon sa teyorya ng pulisya, posibleng napagkamalang police asset ang naturang biktima at posible aniyang miyembro ng drug syndicate ang mga suspek.
- Latest