Pulisya duda sa kuwentong holdap ni ‘Pandesal Boy’

MANILA, Philippines – Masusing tinitignan nga­yon ng Caloocan City Police ang iba pang anggulo ng sinasabing panghoholdap sa pandesal boy na sumikat sa “social media” na maaari umanong hindi talaga  naholdap.

Sinabi ni Caloocan Public Information Office head Nolan Sison na, sa pakikipag-ugnayan niya sa pulisya, isa sa anggulong tinitignan ay hindi talaga naholdap ang batang itinago sa pangalang “Bryan”.  Ito ay dahil sa paiba-ibang pahayag nito at pagne-negatibo ng dalawang lalaki na una nilang dinampot.

Matatandaang kumalat sa social media ang video ni “Bryan” habang umiiyak at nangangatog matapos tangayin umano ang kanyang P200 na kita at panindang pandesal sa may Deparo, Caloocan City.

Ayon kay Sison, hindi pa tapos ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ngunit ikinukunsidera na rin ng mga imbestigador na maaaring iba ang nangyari kumpara sa sumbong ni Bryan na hinoldap siya.

May mga teorya ang pulisya na maaaring naiwala niya ang perang kinita sa pagtitinda at nangangatog dahil sa takot na mapagalitan ng ina. Isa rin sa tinitingnan ang pahayag ng traffic en­forcer na unang lumapit sa bata.  Sinabi nito na nang tanungin niya kung saan nagpunta ang holdaper ay pabago-bago ng direksyon ang itinuturo nito.

Itinanggi naman ng ina ni ‘pandesal boy’ ang ulat at sinabing walang rason ang bata para magsinungaling.  Hindi rin umano niya sina­saktan ang anak kapag hindi kumikita sa pagtitinda.

Matatandaan na matapos kumalat sa social media ang video ni Pandesal Boy, bumuhos ang biyaya sa pamilya nito.  Kabilang dito ang pagkakasama nila sa tatanggap ng “conditional cash transfer (CCT)” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at P50,000 Pangkabuhayan Package buhat­ kay Caloocan City Mayor­ Oscar Malapitan para sa ina ni Bryan.

 

Show comments