MANILA, Philippines - Ikinasa na kahapon ng Land Transportation Office (LTO) ang ‘Oplan Undas’ para sa All Saints Day at All Souls day sa November 1 at November 2.
Sa isang panayam, sinabi ni Assistant director Benjamin Santiago III ng LTO, National Capital Region, epektibo sa Oktubre 27 sa Lunes ay round the clock nang magbabantay ang mga tauhan sa mga terminal ng bus sa Metro Manila para alalayan ang dadagsang pasahero na tutungo sa mga lalawigan para dalawin doon ang puntod ng mga mahal sa buhay.
Anya, magtatagal ang mga tauhan sa mga matataong lugar gaya ng mga bus terminal hanggang Nobyembre 3 araw ng Lunes para naman alalayan ang mga pasahero na babalik ng Metro Manila na galing sa mga probinsiya.
Pina-alalahanan din ni Santiago ang mga public utility vehicle drivers na huwag magsasamantala sa okasyon kung di rin lamang kumpleto ang mga papeles ng minamanehong mga sasakyan dahil epektibo na ang Joint administrative order (JAO) ng DOTC-LTO-LTFRB na nagsasaad ng mas mataas na penalty na mahuhuling lumalabag sa batas trapiko.