MANILA, Philippines - Nakalusot na naman sa pulisya ang mga upahang hitmen makaraang pagbabarilin at mapatay ang isang negosyante, kahapon ng umaga sa Malabon City.
Nagtamo ng apat na tama ng bala sa katawan ang biktimang nakilalang si Alejandro Aquino, 48, residente ng Liwayway St., Brgy. Bayan-bayanan, ng naturang lungsod.
Sa inisyal na ulat, sakay ng kanyang motorsiklo ang biktima dakong alas-8:30 ng umaga nang huminto sa isang tindahan malapit sa kanyang bahay. Doon ito nilapitan ng dalawang salarin kapwa kabataan at walang sabi-sabing pinagbabaril nang malapitan ang biktima.
Mabilis na nakatakas ang mga salarin na pinaniniwalaang may ginamit na “get-away vehicle” sa kanilang mabilis na pagpulas.
Blangko naman ang pulisya sa motibo ng naturang pamamaslang.