MANILA, Philippines - Patay ang isang 48-anyos na driver na pinagsasaksak ng kaaway ng kanyang anak sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa ng gabi.
Nakilala ang biktima na si Edgar Arceo, ng Lope de Vega St., Sta. Cruz, Maynila sanhi ng saksak sa likod.
Mabilis namang tumakas ang suspek na si Jerick De Leon, 20, fish ball vendor, ng Lope De Vega St., Sta. Cruz, Maynila matapos ang insidente.
Sa report ni Det. Charles John Duran ng Manila Police District (MPD)-homicide section, dakong alas-8:00 ng gabi nang naganap ang insidente sa tapat ng tindahan ng biktima sa panulukan ng T. Alonzo at Lope De Vega Sts., Sta Cruz, Manila.
Ayon sa salaysay ni Erwin Bumalay, 18, anak ng nasawi una niyang nakita na lasing na naglalakad ang ama ng suspek kung saan inakusahan siyang nagnakaw ng gulong ng kanilang tricycle.
Itinanggi ni Erwin ang akusasyon ng ama ng suspek at humingi pa ito ng paumanhin subalit nang dumating naman ang suspek at kapatid nitong si Jason ay walang sabi-sabing sinuntok ang una na nasaksihan naman ng kanyang ama kaya ito umawat hanggang sa nakaalis sila sa lugar.
Inakala ng mag-ama na naayos na ang kanilang sigalot kaya tumambay sila sa harapan ng kanilang tindahan at habang kumakain silang mag-ama ay dumating ang suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak ang biktima sa likod.
Nagsasagawa naman ng follow up operations ang pulisya para sa ikadarakip ng suspek.