MANILA, Philippines - Nasopresa ang mga pedicab at jeepney drivers sa iba’t ibang lugar sa Maynila nang muling magsagawa ng sopresang clearing operations ang mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) kamakalawa laban sa mga nakahambalang na sasakyan.
Sa pangunguna nina MTPB Director Carter Don Logica at OVM complaint desk chief Pury Anne Nazareth Cortes, sunud-sunod na nilinis ng MTPB ang Tayuman / Rizal Ave.; Quiricada/ Rizal Ave.; Jose Abad Santos corner Recto; Raja Bago; Tondo church; Yuseco St./ Juan Luna; Arroceros St. at Lambingan Bridge sa Sta. Ana, Maynila.
Ayon kay Logica, matagal na nilang inabisuhan ang mga pedicab gayundin ang mga jeepney driver at iba pang mga obstruction sa lugar na ayusin ang kanilang mga lugar at hindi makaabala sa ibang motorista.
Subalit sa kabila ng kanilang paulit-ulit na pakiusap ay hindi tumatalima ang mga drivers at sa halip ay ginagawa pa umanong terminal.
Ilan sa mga driver ang tinikitan at hinatak ang mga sasakyan.
Una nang sinabi ni Manila Vice Mayor Isko Moreno na hindi sila mapapagod na ipatupad ang ‘1-2’ o ‘wantusawa’ sa paglilinis ng mga pasaway na driver ng PUJ at pedicab na nakaharang sa mga daanan.
Kailangan aniyang magkaroon ng disiplina ang lahat ng mga drivers dahil sila din mismo ang makikinabang dito.