MANILA, Philippines - Himas-rehas ngayon ang dalawang pulis makaraang arestuhin ng kanilang kabaro dahil sa reklamong panggugulo sa isang restorant dahil sa kalasingan sa lungsod Quezon, kamakailan.
Sina PO1 Charlito Sarmiento, 30 at PO1 John Barateta Jr., pawang mga nakatalaga sa Regional Public Safety Batallion ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay dinakip nila SPO1 Emilio Gabio at PO3 Jaime Morato ng Quezon City Police District Station 10, dahil sa reklamo ng pagwawala habang nasa impluwensya ng alak.
Ayon kay P02 Mark Salazar, may hawak ng kaso, nangyari ang insidente sa may Perfect Spot restaurant na matatagpuan sa Tomas Morato sa Bgy. Laging Handa, ganap na alas 8:30 Biyernes ng gabi.
Diumano, tinatahak nila Gabio at Morato ang Tomas Morato Ave. nang lapitan sila ng mga barangay tanod na sina Juanito Ilag at Adelberto Consuelo ng Bgy. Immaculate Concepcion para humingi ng tulong kaugnay sa dalawang lalaki na lango sa alak at gumagawa ng ingay sa nasabing lugar.
Agad na sinamahan ng dalawang pulis ang mga tanod at nakita ang mga suspek na tumatakbo dahilan para habulin nila ito at maaresto sa may panulukan ng Sct. Lascano at Tomas Morato.
Matapos nito ay dinala ang mga suspek sa Jose Reyes Memorial Hospital para sa physical examination at alcoholic breath bago tuluyang dalhin sa Camp Karingal para sa imbestigasyon.