MANILA, Philippines - Tadtad ng saksak ang bangkay ng isang lalaki na inihulog pa sa isang pampasaherong jeep ng tatlong hindi pa kilalang mga lalaki sa Sta. Mesa, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Hindi pa tukoy ang pagkakakilanlan sa biktimang tinatayang nasa edad 25-27, may taas 5’3-5’5, nakasuot ng itim na t-shirt at gray na shortpants. Nagtamo ito ng may 50 tama ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Sa ulat ni SPO3 Glenzor Vallejo ng Manila Police District-Homicide Section, batay sa footage sa closed circuit television (CCTV) ng Brgy. 428 Zone 43, District 4, Sta. Mesa, Maynila, dakong alas-3:12 ng madaling-araw nang maganap ang insidente kung saan makikita ang isang pampasaherong jeep na mabagal ang pag-usad sa panulukan ng Alegria St., Sta. Mesa at ilang sandali pa ay inihulog mula sa jeep ng hindi bababa sa 3 lalaki.
Tiniyak naman ng MPD-Homicide Section na may mga detalye ang nasabing jeep na nahagip ng CCTV na siyang pakay ngayon sa follow-up operation upang matunton ang mga suspek. (Ludy Bermudo)