Lolong may kasong rape, nagbigti

MANILA, Philippines - Mas ninais na lamang ng isang 67-anyos na lolo na takasan ang kinakaharap na kasong rape nang magbigti ito sa loob ng kanyang bahay sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.

Nakilala ang nasawi na si Jesus Dumanog, isang balo at dating residente ng RMS Ville, Upper Tibagan, Brgy. Gen. T. De Leon, ng naturang lungsod.

Sa ulat ng pulisya, nadiskubre ang pagpapatiwakal ng biktima dakong ala-1 ng hapon ng kanyang 15-anyos na apo na si Quenie Rose.  Sinabi ng apo na hinahanap niya ang lolo upang kumain na ng tanghalian nang makita ang nakabigting matanda sa rooftop ng kanilang bahay.

Nabatid na may naka-iskedyul na pagdinig sa Valenzuela City Regional Trial Court si Dumanog kaugnay ng kinaka­harap na kasong panggagahasa sa isang menor-de-edad.

Posibleng hindi umano kinaya ni Dumanog ang kahihiyang idinulot sa pamilya at ang matinding pag-iisip sa kanyang kaso kaya nito winakasan na lamang ang sariling buhay. (Danilo Garcia)

Show comments