Kidnap-for-ransom lider, 2 pa huli sa Pasay

MANILA, Philippines – Tatlong miyembro ng kidnap-for-ransom group, kabilang ang itinuturong pinuno ang nadakip ng mga awtoridad kagabi sa lungsod ng Pasay.

Nasakote ng mga pinagsamang puwersa ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group at Abra Criminal Investigation and Detection Group ang mga suspek na sina Reccinte Padillo, ka-live in na si Yasmin Cruz at driver-bodyguard na si Ivan Estrella.

Nadakip sina Padillo, ang umanoy pinuno ng Padillo kidnap-for-ransom group, sa Pinecrest 1, Newport Residential Resort Pasay City.

May warrant of arrest na nakalabas para kina Cruz at Estrella para sa kasong large scale estafa.

Samantala, may inilabas naman si Judge Bernelito Fernandez ng Regional Trial Court Branch 97 Quezon City na arrest warrant para kay Padillo para sa kasong kidnapping.

Ang grupo ni Padillo ang itinuturong nasa likod ng pagdukot sa negosyanteng si Sally Chua noong Hulyo 5, 2013 sa lungsod ng Quezon.

Sa Davao City na nasagip ng mga awtoridad ang Chinese na si Chua.

Show comments