MANILA, Philippines - Muli na namang binulabog ng bomb threat ang Miriam College sa Katipunan Avenue lungsod Quezon makaraang makatanggap ng text message hingil sa banta umanong pagsabog dito, kahapon.
Ayon kay Senior Insp. Maricar Taqueban, Public Information Officer ng Quezon City Police District, ang bantang pagpapasabog ay natanggap ng isang Jeri Lee Ann Salvador, sophomore student council ng paaralan ganap na alas-9:26 ng umaga.
Dahil dito, pansamantalang pinalabas ng kanilang mga kuwarto ang mga estudyante para sa kanilang kaligtasan.
Agad namang rumisponde ang bomb squad sa paaralan at kinordonan ang lugar saka sinimulan ang paggalugad sa lahat ng sulok dito para mahanap ang sinasabing bomba subalit makalipas ang halos tatlong oras na paghahanap ay lumabas na negatibo sa bomba ang paaralan. Idineklara itong ligtas alas-11:20 ng umaga
Pinabalik din agad ang mga estudyante matapos na mabatid na ligtas na ito sa bantang pagpapasabog.
Matatandaang Oktubre 9 nang unang bulabugin ng tangkang pambobomba ang nasabing paaralan sa pamamagitan din ng text messages. Ang bomba ay nakatanim anya sa paligid ng paaralan.
Sa pangambang may mangyari sa mga estudyante ay pinauwi na rin ang mga ito ng management kahit lumabas sa pagsusuri na negatibo sa bomba ang lugar.