MANILA, Philippines - Sugatan ang isang menor-de-edad na roomboy nang sa kanya tumama ang bala na dapat ay para sa security guard na nanlaban sa dalawang holdaper sa isang maliit na hotel sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling-araw.
Nilalapatan ng lunas sa Mary Johnston Hospital ang biktimang si Ariel Montemayor, 16, stay-in roomboy sa Azakuma Hotel Manila na matatagpuan sa Ricafort St., Tondo dahil sa bala na tumama sa kanang bahagi ng leeg.
Sa ulat ng Manila Police District-Station 1, naganap ang insidente dakong alas-4:10 ng madaling-araw sa entrance ng nabanggit na hotel.
Paliwanag ng nakatalagang security guard na si Jonald Alboroto, 23, nakatayo sila ng biktima sa entrance ng hotel nang biglang sumulpot ang mga suspek at tinutukan siya ng baril saka nagdeklara ng holdap. Nagawa niyang iiwas ang sarili at agad na itinutok ang hawak na shotgun sa mga suspek subalit huli na dahil naunang pumutok ang mga suspek.
Nagulat na lamang siya dahil ang kasamang si Montemayor na nakatayo sa kaniyang likuran ang siyang tinamaan.
Nagtakbuhan na ang dalawang suspek sa direksiyon ng Franco St. habang isinugod naman sa nasabing pagamutan ang binatilyo ng kaniyang kapatid na si Rubern Montemayor.