MANILA, Philippines - Ipinakulong ng negosyanteng Tsino ang kanyang supervisor na isa ring Chinese makaraang madiskubre na may tatlong taon na siyang pinagnanakawan sa kanyang RTW (ready-to-wear) store na aabot na sa P10 milyong halaga, kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Inaresto dakong alas-7 kamakalawa ng gabi ng mga tauhan ng Pasay Police ang suspek na si She Jin Dui, 24, binata, at stay-in sa Unit 2002 Tower Artel Seaview, Roxas Blvd., ng naturang lungsod.
Dinakip ang suspek habang nakaduty sa trabaho sa Two Shopping Mall sa may Cuneta St., cor. Taft Avenue makaraang isuplong ng amo nitong si Harry Go.
Nag-ugat ang reklamo nang magsumbong ang ibang manggagawa ni Go sa ginagawang pagnanakaw umano ni She. Tuwing hatinggabi umano, inilalabas ni She ang saku-sakong RTW na umano’y idi-deliber.
Dahil dito, pinanood ni Go ang footages ng CCTV camera sa kanyang bodega at nakumpirma ang mga sumbong kaya pinaaresto ang tauhan. Aabot na umano sa P10 milyon ang maaaring nanakaw sa kanya mula noong 2011.
Itinanggi naman ng suspek ang mga akusasyon sa kanya ng amo na nagsampa na ng kasong qualified theft sa piskalya.