MANILA, Philippines - Sa ikatlong pagkakataon, muling pinasabugan ng granada ang Manila Police District-Station 1 kamakalawa ng hatinggabi.
Sa pagkakataong ito, ayon kay MPD-Station 1 (Raxabago) commander P/Supt. Virgilio Viloria, dalawang lalaki na magka-angkas sa motorsiklo ang naghagis ng MK-2 grenade dakong alas-11:40 ng gabi ang mga suspek.
Sa ulat ni SPO3 Eric Delos Arcos, nasa loob sila ng presinto nang makarinig ng malakas na pagsabog. Bagamat walang napaulat na nasugatan o nasawi natamaan ng shrapnel ang isang dumaraang tricycle.
Iniuugnay din ang pagpapasabog sa pagkakadakip nila sa tatlong lalaki dakong alas-5:00 ng hapon sa panulukan ng Paulino at Moderna Sts. Tondo, Maynila.
Kinabibilangan ito ng mga suspek na sina Joel Dustiniano, 34; Datsun Velasco, 35; at Luigi Guittap, 24. Nakumpiska sa kanila ang .38 kalibreng baril, .45 pistol, at .22 revolver at isang granada.
Noong Oktubre 6, dakong alas-10:00 ng gabi rin, isang MK2 grenade ang inihagis ng tandem na suspect at sumabog sa likod ng nasabing presinto. Nasugatan dito si PO1 Ranil Bautista habang nasira rin ang isang nakaparadang motorsiklo na kulay pulang SYM (7309-PQ) at pag-aari ni PO2 Rumple Robles.
Noong Abril 23, ng taong kasalukuyan, dakong alas-3: 45 ng hapon unang grinanada ang naturang police station kung saan nasunog ang Toyota Vios (ZFN-447) na pag-aari ni P/Supt. Julius Añonuevo, ang nakaupong station commander noon at nadamay din ang isang motorsiklo, na nagdulot ng pagka-uka ng harapang sementadong kalye.
Kahapon ay iprinisita ni Manila Mayor Joseph Estrada ang tatlong nadak(ip na sinasabing mga kasamahan ng mga nagpasabog sa presinto.
Nagkaloob din ng P500K reward laban sa mga kasamahan pa ng mga ito.