MANILA, Philippines – Aabot sa P1.2 milyong halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa isang bigtime na drug dealer ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Pasay City Police, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat, nakilala ang suspek na si Jervy Lagasca. Tinatayang nasa 700 gramo ng shabu ang nakuha sa posesyon nito.
Nabatid na unang nakipagkoordinasyon ang PDEA sa Pasay Police para sa ikinasang buy bust operation sa Diokno Drive, Seaside Blvd. dakong alas-5 ng umaga.
Hindi na nakapalag si Lagasca nang damputin ng mga operatiba makaraang tumanggap ng marked money buhat sa isang asset na nagpanggap na buyer.
Nakuha rito ang iligal na droga na itinago ng suspek sa kahon ng breakfast cereal. Itinanggi naman nito na sa kanya ang iligal na droga at napag-utusan lamang ng kanyang kumpare.
Ayon sa pulisya, mas mapangahas na ngayon ang mga tulak ng iligal na droga na isinasagawa ang transaksyon sa mga pampublikong lugar tulad ng malls, restaurant, at fastfood chains.