MANILA, Philippines – Isang bangkay ng hindi nakikilalang lalaki na pinaniniwalaang pinatay sa sakal ang natagpuang nakahandusay sa isang madamong bahagi ng Payatas Road sa lungsod Quezon, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ng Quezon City Police Station 6, ang biktima ay tinatayang nasa edad 25-30, may taas na 5’6’’, nakasuot ng itim na shorts at t-shirt, may tattoo rin ito sa dibdib na ang marka ay Dako Anthony.
Sa ulat, ang biktima ay natagpuan sa kahabaan ng Payatas Road, sa Sitio Rolling Hills, Brgy. Bagong Silangan, ganap na alas-6 ng umaga.
Naghihintay umano ng masasakyan ang isang Jovel Arevalo nang mapuna nito ang lalaking nakahandusay sa lugar.
Agad na ipinabatid nito ang pangyayari sa barangay na siya namang tumawag sa awtoridad para sa pagsisiyasat.
Tulad nang dati, walang sinuman ang nakakakilala sa biktima kung kaya hinala ng awtoridad na maaaring sa ibang lugar pinatay ang biktima at itinapon lamang sa nasabing lugar para iligaw ang imbestigasyon.
Nitong nakaraang Lunes ng madaling-araw ay isang hindi nakikilalang lalaki rin na biktima ng summary execution ang natagpuang nakasilid sa isang itim na garbage bag sa may Congressional Avenue, malapit sa Tierra Verde II Subdivision, Brgy. Pasong Tamo.
Sa kasalukuyan, wala pa ring kumukuha sa bangkay ng biktima.