MANILA, Philippines – Umabot sa 28 mga pasaway na kabataang tinatawag na “batang hamog” ang pinagdadampot ng mga tauhan ng Makati Anti-Drug Abuse Council sa ikinasang operasyon mula nitong Linggo ng umaga.
Sa post ni MADAC chief, P/Supt. Jaime Santos sa kanyang Twitter account na @dcopa Makati, isinagawa ang operasyon dakong alas-7 kahapon ng umaga sa mga Barangay Palanan, San Isidro, Poblacion, at Guadalupe Nuevo.
“These 28 street kids are believed to be engaged in different activities victimizing commuters, pedestrian, shoppers,” ani Santos.
Una nang nagsagawa ng operasyon noong nakaraang linggo ang MADAC na nagresulta sa pagkakadampot sa 11 kabataan na pinaniniwalaang miyembro rin ng Sputnik Gang at sangkot sa pandurukot, snatching at pangmomolestiya sa mga estudyante.
Sinabi ni Santos na tuluy-tuloy ang operasyon ng MADAC laban sa mga batang hamog sa kabila na tinatawanan sila ng ibang “law enforcement units” dahil sa mga menor-de-edad lamang ang kanilang mga inaaresto.
Dagdag pa ni Santos, apat na beses kada linggo ang kanilang operasyon kaya malaking bilang ng batang-hamog ang nabawas sa kalsada partikular sa Kalayaan, Buendia, Ayala, at Pasong Tamo.