MANILA, Philippines - Balik-kalaboso ang isang pugante sa kabila na nagpabago ito ng anyo sa pamamagitan nang pagpapatanggal sa malaking nunal sa ibaba ng labi, iniulat ng National Bureau of Investigation.
Nabatid na muling nadakip ng mga ahente ng NBI-Anti-Organized and Transnational Crime-Anti-Illegal Drugs Unit sa Sta. Ana, Maynila ang convicted prisoner na si Roy Fernandez, 51, ng Brgy. Sta. Cruz, Bliss Project, Ozamis City at naninirahan din sa Kahilum 2, Pandacan, Maynila.
Si Fernandez ay sentensiyado ng walo hanggang 14 na taon ng Quezon City Regional Trial Court Branch 84 sa kasong robbery with homicide ay umeskapo sa Sablayan Prison and Penal Farm noong Mayo 13, 2011.
Sa impormasyon, si Fernandez ang lider ang armadong grupo sa naganap na P14-milyon payroll robbery ng ilang kompanya sa Rosario, Cavite noong taong 2005. Sangkot din umano ito sa serye ng malalaking holdapan sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.
Taong 2006 nang siya at kaniyang grupo ay maaresto sa Cavite sa bigong panghoholdap, kung saan nakumpiskahan sila ng mga baril at kasalukuyang nakabinbin pa ang kaso sa Imus Cavite RTC Branch 21.
Nakapiit pa sa NBI detention facility si Fernandez habang hinihintay na kunin siya ng mga tauhan ng Bureau of Corrections ng New Bilibid Prison (NBP).