P1-B pekeng imported bags, nasamsam
MANILA, Philippines - Umiskor ang mga tauhan ng law enforcement agencies kasunod ng pagkakasamsam sa mga pekeng imported na mga bags na nagkakahalaga ng P1 bilyon sa serye ng raid sa walong bodega sa Binondo, Maynila nitong Biyernes.
Sinabi ni Senior Supt. Bartolome Bustamante, hepe ng Anti Fraud Commercial Crimes Unit ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (AFCCU-PNP-CIDG), ang raid ay kasunod ng ipinalabas na warrant of seizure ng Bureau of Customs (BOC).
“We conducted the raid after a case buildup on the reported counterfeit luxury bags and wallets being kept on the 8 warehouses by unscrupulous traders,” ani Bustamante.
Bandang alas-11 ng umaga, ayon kay Bustamante nang isagawa ng pinagsanib na elemento ng AFPCCU-PNP-CIDG), BOC, National Bureau of Investigation (NBI) at Intellectual Property Office of the Philippines (IPPO) ang raid sa 8 bodega na matatagpuan sa Alvarado Street, Binondo, Manila.
Sinabi ni Bustamante na maging siya ay nagulat sa bultu-bulto ng mga pekeng luxury bags at wallets na nakatago sa nasabing mga bodega.
Kabilang sa mga nasamsam na pinekeng mamahaling mga bags at wallet ay Hermes, Louis Vuitton, Prada, Michael Kors at iba pa.
Sinasabing ibinabagsak sa Quiapo, Divisoria at iba pang dinarayong mga pamilihan sa Metro Manila ang nakumpiskang mga pekeng imported na mga bags na gawang China.
Arestado naman sa operasyon, ayon naman kay Chief Inspector Elizabeth Jasmin, Spokesperson ng PNP-CIDG ang ilang kataong inabutan ng mga operatiba sa nasabing raid.
Inihahanda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nasakoteng suspek.
- Latest