MANILA, Philippines – Tuluyang binawian ng buhay ang isang 70-anyos na Japanese national na diumano’y aksidenteng naputukan ang sarili na unang tumama sa baba at umabot hanggang sa utak ang bala sa loob ng isang firing range sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng hapon.
Naisugod pa sa Manila Doctors Hospital pero namatay din ang biktimang si Sugaya Shijuo, pansamantalang nanunuluyan sa Executive Plaza Hotel sa Mabini St., Ermita.
Masusing inaalam kung totoong accidental firing o may foul play sa pangyayari.
Isinasailalim sa interogasyon ang mga nakasama nitong sina Jaime Buan, 50, tourist guide-free lancer, residente ng Ignacio St., Pasay City; Carla Trinanes, 30, secretary ng firing range.
Iniimbestigahan din ang firing range na Manila Shooters Firing Range ay pag-aari umano ni C/Insp. Jonathan dela Cruz. 51, ay nasa Alhambra St., Ermita, Maynila.
Sa ulat ni PO3 Crispino Ocampo ng Manila Police District-Homicide Section, naganap ang insidente sa loob ng nasabing firing range sa Ermita, dakong alas-2:30 ng hapon .
Nitong Oktubre 6 ng umaga, lamang umano dumating sa bansa ang biktima at sa Ninoy Aquino International Airport, Terminal 2 nakilala ang tourist guide na si Buan.
Sinamahan umano ni Buan ang biktima sa isang mall sa Pedro Gil sa Ermita at nagmeryenda bago nagtungo sa firing range.
Isa sa firing officer ang nagturo sa biktima na humawak ng baril at una umano ay wala munang bala ang kalibre 45, na iniabot sa biktima, hanggang sa matapos ang ilang pagpapaalala sa paghawak ng baril nilagyan na ito ng bala.
Nakatatlong putok muna umano ang biktima sa target paper at nang inakalang wala na umano itong bala, itinutok ang baril sa baba na diumano’y biglang pumutok.