Karnaper tiklo nang malaglag sa motorsiklo

MANILA, Philippines - Nasakote ng pulisya ang isang notoryus na karnaper makaraang malaglag sa inaangkasang motorsiklo nang takasan ang ikinasang checkpoint ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan City Police chief, P/Senior Supt. Ariel Arcinas ang nadakip na suspek na si Carlito Antonio. Nakatakas naman ang kasama nito na nakilala sa alyas Jonel.

Sa ulat ng pulisya, pinara ng mga tauhan ng pulisya ang dalawang suspek na magkaangkas sa isang Yamaha Mio na motorsiklo na walang plaka nang mapadaan sa checkpoint sa may Rizal Avenue malapit sa kanto ng 11th Avenue, ng naturang lungsod dakong alas-4:35 ng madaling araw.

Sa halip na huminto, pinaharurot ng tsuper ang motorsiklo upang makatakas.  Agad namang hinabol ng mga pulis ang mga suspek hanggang sa malaglag sa pagkakaangkas si Antonio.  Masuwerte na hindi nabagok ang ulo nito sa kabila na walang suot na helmet.

Dinala naman sa pagamutan ng mga pulis si Antonio at binigyan ng paunang lunas ang tinamong mga sugat sa katawan.  Nang isailalim sa berepikasyon, nabatid na may outstanding warrant of arrest ang suspek sa kasong carnapping.

 

Show comments